Para sa ating mga kababayan sa probinsya ng Fujian at Jiangxi;
Ang Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Xiamen ay muling pinapaalalahan ang ating mga kababayan na huwag pababayaan na mapaso ang inyong visa at tumanggap ng trabaho bilang isang kasambahay sa Tsina sa maaring ialok ng inyong mga kaibigan, anumang recruitment agency o kahit na sinong mga dayuhan. Sa kasalukuyan, pinaiigi ng mga awtoridad sa Tsina ang kanilang kampanya laban sa mga dayuhan na iligal na nakatira at nagtratrabaho sa Tsina pati na rin sa mga iligal na recruiters.
Ang lahat ay binabalaan na hindi pinahihintulutan ng Tsina ang mga dayuhan na magtrabaho bilang isang kasambahay sa Tsina. Hindi rin nagiissue ng working permit ang Tsina sa mga naturang dayuhan kung kaya’t malimit na ang kanilang visa ay napapaso.
Ayon sa batas ng Tsina ukol sa immigration, ang mga dayuhan na iligal na nagtratrabaho at walang valid na visa ay maaresto at makukulong ng hindi bababa sa 30 araw. Sila rin ay pagmumultahin ng hindi bababa sa 10,000.00 RMB sa paglabag sa nasabing batas. Lahat ng kinita sa pamamagitan ng iligal na pamamaraan ay babawiin din ng mga awtoridad. Ang dayuhang lumabag sa nasabing batas ay hindi na muling makababalik sa Tsina sa susunod na limang (5) taon.
Ayon pa sa nasabing batas, ang mga iligal na recruiters ay pagmumultahin ng hindi bababa sa 5,000.00 RMB sa bawat iligal na trabahong naipasok ngunit hindi hihigit sa 50,000.00 RMB. Ang iligal na pag-eempleyo ng mga dayuhan ay pagmumultahin ng doble sa multa nga mga iligal na recruiters.
Ang mga Pilipino na walang tamang dokumento lalo na ang mga nagtratrabaho bilang isang kasambahay sa Tsian ay madaling mapagsamantalahan ng mga mapang-abusong amo.
Pinag-iingat ng Konsulado Panlahat ang lahat ng mga Pilipino na may planong mag-abroad na maging mapagmasid at laging handa para sa sariling kaligtasan lalong lalo na sa mga kasambahay na pinangakuhan ng trabaho sa Tsina ngunit hindi dumaan sa tamanag proseso sa pagkuha ng tamang visa.
Ang tamang proseso sa pagkuha ng trabaho sa Tsina ay sa pamamagitan ng ligal na pamamaraan at sa tulong na din ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng OWWA at POEA.
Kung kayo ay panangakuhan ng trabaho sa Tsina ngunit gagamit ng tourist (L) visa sa pagpasok at pinangakuhang ito ay mapapalitan ng working (Z) visa, kayo ay nasa panganib na maging isang undocumented na manggagawa sa Tsina na walang pagkakataon na makakuha ng working permit. END…
Konsulado Panlahat ng Pilipinas
Xiamen